Mga suspek sa pambubugbog ng OFW, kakasuhan na



ABS-CBN News
Posted at Mar 13 2017 09:36 AM
MANILA - Nakatakdang kasuhan ng pulisya Lunes ang mga suspek sa pambubugbog at pagpatay sa isang overseas Filipino worker sa labas ng isang bar sa Quezon City noong Marso 4.
Hinikayat ni Quezon City Police District (QCPD) chief Senior Superintendent Guillermo Eleazar ang mga suspek na sumuko at ibigay ang kanilang panig bago ihain ng pulisya ang asuntong murder.

"Mas maganda pong lumutang na sila bago po kami makapag-file ng kaso at ma-asses po namin iyung kanilang statement; kung ito ba ay makakatulong, magagamit natin o makakatulong sakanila para mapagaan ang kasong ifa-file sa kanila," ani Eleazar sa panayam ng DZMM.
"Kung sila po ay magtatago, we are constrained to file a murder case para makasama po sila."
Una nang sumuko noong nakaraang linggo ang 5 sa 10 suspek para magbigay ng kanilang testimonya ukol sa pagkamatay ng 28-anyos na biktimang si Abigail Gino Basas.
Isinalaysay ng 5 babae na nagsimula ang alterkasyon matapos mabangga ni Basas ang balikat ng primary suspect na si Mohammad “Pits” Marzan Piti-Ilan, isang graduating student ng National University sa Manila, nang magkasalubong sila sa Perfect Spot Bar and Billiards sa Dr. Lazcano Street, Quezon City.
"Napakalinaw po sa CCTV at ito rin po ang itinuturo ng 5 kababaihan. Talagang nagkabangaan... Ang iniisip nitong suspek ay sadyang binagga, pero kung titingnan po natin ay parehong nakainom," dagdag ni Eleazar.
Humingi anya ng dispensa ang 2 kasamahan ni Basas kay Piti-Ilan at 9 nitong kaibigan.
Mistulang nagka-ayos ang parehong panig pero maya-maya ay sinundan nina Piti-Ilan sina Basas at kanyang 2 kasama nang lumabas ang mga ito sa bar.
Dito na binugbog ni Piti-Ilan at mga kasamahang lalaki ang grupo ng OFW.
"Noong nagkakabugbugan na, mayroon doong ilang kalalakihan na sumali, mga hindi po kasama sa 10 sa grupo na iyun," dagdag ni Eleazar.
Nadala pa sa ospital si Basas pero pumanaw rin dahil sa matinding tama sa ulo. Sugatan naman ang 2 niyang kasamahan.
Ayon kay Eleazar, hindi sumali sa pambubugbog ang 5 kasamahan babae ni Piti-Ilan, kaya maaari silang magsilbing mga state witness.
Tinukoy din anya ng mga ito ang mga kasamahan nilang bumugbog sa grupo ng OFW na sina:
- Jameel Haron Benito ng STI College;
- Angelo Mark Morata; at sina
- Cyril Angelo Rada at Earl Brian Grande, kapwa estudyante ng University of the East-Manila.
Pinag-aaralan ng QCPD kung paano mapapaigting ang pagbabantay sa mga bar sa lungsod upang maiwasan ang mga insidenteng katulad ng pagkamatay ni Basas.
Si Basas ay isang Australia-based photographer para sa isang cruise ship at nagbabakasyon lamang sa Pilipinas nang mapaslang.


Share this

Related Posts

Previous
Next Post »