April Rafales, ABS-CBN News
MANILA - Patay ang isang lalaki matapos pagtatagain sa iba't ibang bahagi ng katawan sa Baseco Compound sa Maynila, Lunes ng madaling-araw.
Natagpuan ang bangkay ni Ronnie "Burdado" Medina sa harap ng isang madilim at bakanteng bahay, ayon kay Senior Insp. Randy Veran, commander ng Baseco police community precinct.
"Matindi ang galit kasi kung titingnan, kumbaga, inabangan talaga," patungkol ni Veran sa posibleng motibo ng krimen.
Ayon sa mga residente, dating construction worker ang biktima at nagtatali ng sako ng mga hininging kalabasa nang mangyari ang pananaga.
Walang nakakita sa krimen kaya wala pang matukoy na suspect.
Napag-alaman namang nitong Pebrero ay nasaksak din ang biktima ng isang kaalitang hindi muna pinangalanan ng pulisya.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ang insidente.