Estudyante, arestado sa GenSan dahil sa mapanirang komento sa Facebook



GENERAL SANTOS CITY — Arestado ang isang 20 taong gulang na estudyante sa tahanan nito sa Barangay Calumpang nitong Biyernes ng umaga dahil umano sa isang mapanirang comment sa Facebook.
Ayon sa pinuno ng anti-cybercrime group ng Region 12, arestado si Ellen Jane Amado sa kasong libel dahil nag-post umano ito ng mapanirang comment sa kaniyang social media account tungkol sa isang 16 taong gulang na dalagita na kanya pang pinangalanan.
Bagamat winasto ng suspek ang post nito at binura ang pangalan ng biktima, huli na ang lahat dahil marami na umano ang nakabasa nito.
Kwento ni Police Chief Inspector Leo Dofiles, pinuno ng Anti-Cybercrime Group 12, nagkasagutan diumano ang suspek at ang biktima sa post ng biktima sa social media.
Wala raw pangalan nung una ang post ngunit ng silipin ng mga otoridad ang edit history nito, makikitang binago ng suspek ang post para tanggalin ang pangalan ng biktima.
"Kasi in-edit niya, tinanggal niya yung pangalan. So, nakita ngayon iyun ng mga relatives, kaibigan nung complainant iyung post na ito, kaya nagpunta sila dito sa office at nag-file ng complaint,” ani Dofiles.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na nasa kustodiya ng anti-cybercrime group.
Paalala ng anti-cybercrime group na magsilbi raw sanang babala sa mga social media user na pwede namang maglabas ng mga komento pero kailangang maging maingat na walang nasasagasaan.
“Without them knowing na yung ginagawa nila is nakaka-infringe na rin nung right ng ibang tao. Kasi ang iniisip lang nila is, karapatan ko iyan magsalita, freedom of expression ko, freedom of speech ko. We know you have that freedom, however, when your freedom nakakaapak na rin ng freedom ng iba tao, may karapatan din yung inaapakan mo na mag-file din ng kaso laban sa’yo,” dagdag ni Dofiles.
Paliwanag pa ni Dofiles, noong 2016, ang online libel ang may pinakamataas na bilang ng mga kasong isinampa ng anti-cybercrime group ng pulisya sa buong bansa na umabot sa 494.
Pangalawa ang kaso ng online scams na umabot sa 444.
Ang kaso naman ni Amado ang nag-iisang libel case na naisampa nila sa General Santos City.

Share this

Related Posts

Previous
Next Post »