Angel Manalo, nailipat na sa Camp Bagong Diwa




MANILA – Nailipat na sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwa ang tiwalag na miyembro ng Iglesia Ni Cristo na si Angel Manalo, ang pamangkin niyang si Gem Jimenez at ang isa pa nilang kasama na si Jonathan Ledesma.
Humaharap sa kasong illegal possession of firearms si Manalo, matapos makakuha ang pulisya ng M-16 rifle, at shotgun sa bahay nito kamakailan. Ito ay base sa bisa ng search warrant.
Kasamang dinampot ang pamangkin ni Manalo na si Jimenez, na nahaharap din sa kasong illegal possession of firearms, at si Ledesma na nagpaputok umano ng baril at natamaan ang 2 pulis, kaya’t direct assault and frustrated murder naman ang kasong isinampa laban sa kanya.
Umabot sa 28 na iba pa ang inisyal na dinala sa Camp Karingal, pero napalaya rin sila at ngayon ay nakatira sa isang safehouse na bigay ng mga supporters at dating INC members na tumutulong sa kanila ngayon.
Ilang tagasuporta ni Ka Angel o tinatawag na INC Defenders ang dumating sa Camp Crame para bantayan ang paglipat sa kanila sa BJMP sa Camp Bagong Diwa.
Sa panayam kay Quezon City Police District Director S/Supt. Guillermo Eleazar, may commitment order nang ipinalabas para sa paglipat sa kanila sa Camp Bagong Diwa.
Ayon sa kanya, walang dokumento ang mga nakuhang mga baril sa tahanan ni Manalo at hindi dumaan sa paraffin test si Ledesma. Hindi naman daw kasi mahalagang ebidensya ang resulta ng paraffin, at nagbase lamang umano sila sa salaysay ng mga natamaang pulis na tumuro kay Ledesma.
Matatandaan na ilang araw bago ang pagsagawa ng search operation sa kanyang tahanan ay nahuli si Manalo sa akusasyong walang habas niyang pamamaril sa Culiat, Quezon City, kung saan may 1 guwardiyang natamaan. Ito ang dahilan kung bakit nag-apply ng search warrant ang pulisya.

Share this

Related Posts

Previous
Next Post »