Mga pulis at NPA, nagbakbakan sa Surigao del Sur


SURIGAO DEL SUR — Nagkabakbakan ang New People’s Army (NPA) at pulisya sa Brgy. Tambis, bayan ng Barobo, 2 p.m. nitong Martes.
Bago pa ang bakbakan, nagkaroon muna ng pagsabog ng isang improvised explosive device. Agad na rumesponde ang myembro ng Regional Public Safety Battalion at Barobo police. 
Tumagal ang engkwentro ng halos 15 minuto. Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa pangyayari.
Unang naiulat na dumalo sa inagurasyon ng bagong police station ng Barobo si PNP Caraga Regional Director Chief Supt. Rolando Felix, mga tatlo hanggang apat na kilometro ang layo nito mula sa pinangyarihan ng engkwentro. 
Hindi matiyak ni Felix kung siya nga ang target ng rebeldeng grupo pero naniniwala siyang isa lamang itong pagpaparamdam ng NPA, lalo na’t malapit na ang ika-48 anibersaryo ng grupo ngayong darating na Marso 29.
Narekober sa pinangyarihan ang sari-saring gamit ng mga myembro ng NPA gaya ng mga damit, pinagkainang de lata, biskwet, flashlight, gallon at electric wire na pinaniniwalaang ginamit sa pagpapasabog.
Direktiba ngayon ng PNP regional director na paigtingin ang security operation sa buong rehiyon ng Caraga.

Source : ABS-CBN

Share this

Related Posts

Previous
Next Post »