Balak ng mga kaanak ng magkasintahang namatay sa isang aksidente noong Sabado sa Bacolod na ituloy ang kasal na pinaplano sana ngayong taon ng mag-irog.
Plano na sanang magpakasal ng magkasintahang Roy Saballero at Jocelle Demapula ngayong taon, ngunit namatay sila sa isang aksidente.
Nabangga ng isang kotseng minamaneho ni Renz John Reyes ang sinakyan nina Saballero at Demapula na tricycle.
Bago sila ilibing sa Linggo ay gusto ng kanilang mga pamilya na mabigyan sila ng maikling seremonyas tulad ng binibigay sa mga ikinakasal, para man lang kahit sa kabilang buhay ay maisakatuparan ang kanilang matagal nang planong pag-iisang-dibdib.
Ayon sa ina ni Saballero na si Alma, halos magkasabay na nawalan ng buhay ang magkasintahan, kaya't napagpasyahan din nilang ilagay sa iisang burol ang dalawa.
Maliban sa magkasintahan, namatay rin sa aksidente ang drayber ng tricycle na si Elmer Lumangyao, habang sugatan naman ang 4 pang mga pasahero na sina Andrian Mandawe, Stephen Basoy, Elmer dela Torre, at James Siason.
Desidido umano ang mga nakaligtas sa aksidente na magsampa ng kaso laban kay Reyes, na tumangging magbigay ng pahayag sa media ukol sa naganap.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang kaso.
Source : http://news.abs-cbn.com/news/03/14/17/magkasintahang-nasawi-sa-aksidente-gustong-ipakasal-ng-mga-kaanak