Umalma si PNP chief Director General Ronald dela Rosa sa pahayag ni Vice President Leni Robredo na nagsasagawa umano ang mga pulis ng "palit-ulo" sa gitna ng kampanya kontra sa iligal na droga.
Sa isang video na in-upload sa YouTube, tinuligsa ni Robredo ang madugong kampanya ni Pres. Duterte laban sa iligal na droga.
Sinabi ni Robredo na bukod sa extra-judicial killings, may iba pang paglabag sa karapatang pantao na nangyayari tulad daw ng "palit-ulo."
Sa ilalim nito, hinuhuli ng mga pulis ang mga kaanak ng isang drug suspect kapag hindi maaresto ang suspek mismo.
Pero ayon kay Dela Rosa, wala pa raw syang naririnig na kaso ng "palit-ulo" bago ito nabanggit ni Robredo. Hindi rin daw sya naniniwala na magagawa ng mga pulis ito.
"Alam ko may nangongotong na pulis, aminado ko yan. May pulis na nangingidnap, aminado ko yan. Pero yung sinasabing... operation na palit-ulo, sana kung totoo yan ha? Pero hindi ko ma-imagine," sabi ni Dela Rosa sa isang panayam sa DZMM.
Hinamon din ni Dela Rosa ang bise presidente na sabihin sa kanya ang mga pulis na sangkot sa "palit-ulo."
"Ibigay nya sa amin, ako mismo magtatrabaho, pugutan natin ng ulo yang gago na yan," dagdag ni Dela Rosa.
Naglabas din ng sama ng loob si Dela Rosa sa ginawang pagsisiwalat ni Robredo sa international community ukol sa mga umano'y paglabag ng mga pulis sa mga karapatang pantao.
"Yan ang nakakadismaya dyan," sabi ni Dela Rosa ukol sa pahayag ni Robredo.
"Bakit paaksyunan mo sa international court e kung pwede naman dito sa lebel namin?" sabi ni Dela Rosa.
Tinatantyang higit pitong libo na ang napapatay sa kampanya ni Pres. Duterte kontra sa ilegal na droga.
Source : http://news.abs-cbn.com/news/03/16/17/kotong-at-kidnap-oo-pero-palit-ulo-hindi-pnp-chief