MANILA- Nagprotesta ang ilang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa opisina ni Bise Presidente Leni Robredo nitong Sabado ng umaga.
Dala ang ilang placard at tarpaulin, 20 miyembro ng isang pro-Duterte group ang nagtungo sa opisina ni Robredo sa New Manila, Quezon City upang hingin ang pagbaba nito sa puwesto.
Sigaw nila, "Leni, Leni umalis ka na!".
Hindi naman nagdulot ng abala sa trapiko ang protesta.
Noong Biyernes, sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na pinag-aaralan niya ang posibilidad ng pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Robredo dahil umano sa betrayal of public trust sa video message ni Robredo sa United Nations Commission on Narcotic Drugs.
Una nang sinabi ng tagapagsalita ni Robredo na si Georgina Hernandez na tanging katotohanan lamang ang binanggit ni Robredo sa video at hindi ipinahiya ang bansa sa harapan ng international community.
Itinanggi naman ni Robredo na may kinalaman siya sa impeachment complaint laban kay Duterte.
Source : http://news.abs-cbn.com/news/03/18/17/ilang-tagasuporta-ni-duterte-nagprotesta-laban-kay-robredo