Conjoined twins na magkadikit sa tiyan, isinilang sa Isabela



Magkadikit sa tiyan, at iisa ang puwit at ari nang isilang ang isang kambal sa Santiago City, Isabela kaya umaapela ng tulong ang kanilang magulang para sila ay mapaghiwalay.
Sa pagdarasal kumukuha ngayon ng lakas ng loob si Rochelle Labarento para sa kanyang mga anak. Ipinanganak ang conjoined twins noong March 16, pasado alas-otso ng gabi sa pamamagitan ng ceasarian operation.
Hanggang ngayon, hindi pa ito nabibigyan ng pangalan ng mag-asawa.
“Noong 7 months nagpa-ultrasound kami, alam ko na na conjoined sila. Wala namang nasabi ang doktor bakit ganun. Hindi rin ako nagka-komplikasyon sa pagbubuntis,” pahayag ni Labarento.
Hindi pa tiyak ng mga doktor sa Southern Isabela General Hospital (SIGH) ang kundisyon ng kambal dahil sa x-ray pa lamang isinailalim ang mga bata.
Magkadikit ang kanilang tiyan at iisa lamang ang kanilang ari at puwit.
“Normal and healthy naman sila, pinkish ang kulay nila…nakita natin na may sariling stomach but they share the small intestines so possibly mag-undergo sila ng reconstruction,” sabi ni Dr. German Mabbayad, Medical Officer IV ng SIGH.
Kailangan pang dumaan sa masusing eksaminasyon ang kambal para malaman kung pwede pang paghiwalayin.
Ipinapayo ng mga doktor na dalhin ang kambal sa Maynila para doon matignan.
“What we can do here lang isa CT Scan at MRI pero ina-advice namin na dalhin sa Maynila o even abroad sa mga ospital o doktor na may experience diyan,” dagdag pa ni Mabbayad.
Pero labis ang pag-aalala ng kanilang ina dahil batid niyang malaki ang gagastusin sa pagnanais niya na mapaghiwalay ang kambal.
“Nananawagan po sana ako na sana tulungan kami kasi hindi namin kaya yung gastusin,” sabi niya.
Sakali mang posibleng mapaghiwalay ang kambal, umaasa ang kanilang pamilya na matutulungan sila ng may mabubuting kalooban.

Share this

Related Posts

Previous
Next Post »