MANILA – Binisita ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang kanyang ama sa St. Luke’s Medical Center sa Global City, Sabado ng umaga.
Ito ay kinumpirma ng isang pulis na ayaw magpakilala. Hinatid umano nila si Revilla sa ospital sakay ng coaster ng Philippine National Police (PNP) para bisitahin si Ramon Revilla Sr., alas-6 ng umaga.
Bandang alas-8 ng umaga ay nanatili sa harapan ng lobby ng St. Luke’s ang mga sasakyan ng PNP. Maliban sa coaster, isang ambulansya ng mga pulis, 2 hagad at 2 police mobile ang nakaparada sa harap ng ospital.
Pinayagan ng Sandigang Bayan na bisitahin ni Revilla ang ama matapos itong ibalik sa ospital. Simula alas-6 hanggang alas-9 ng umaga ang ibinigay ng korte na oras para bisitahin ni Revilla ang ama.
Sasailalim si Ramon Revilla Sr. sa medical tests na gastroscopy at colonoscopy, dahil sa gastrointestinal bleeding, o pagdudugo ng sikmura.